Pagod na ko. Tama na. 2 taon na kong nagtratrabaho pero feeling ko kaunti
lang ang natutunan ko. Nawala na yung dating sigla ko sa trabaho. YUng dating
todo OT para matapos ang lahat agad. Bigla na lang nawala nung nilamon na
ko ng sistema. Isang malaking pagkakamali na talagang nagmarka sa akin.
Yung pakiramdam na lumagpak ako sa isang pader.
Gusto ko ng magbago…
Hindi naman sweldo ang habol ko eh, mas gusto ko yung satisfaction ko sa
trabaho.Yung masarap na feeling na may natutunan talaga ko.
Ayoko ng routine. Ayoko ng support. Gusto ko dun sa trabahong kung saan
mag-iisip ka talaga at mag-design ka ng system. Baka naman sabihin niyo
ang yabang ko naman, pero ito talaga ang gusto kong trabaho. Mag-isip,
mag-design at implement. Mga bagong sistema yung masasabi kong "Pare,
alam mo yung ganyan - ganyan, na-implement ko yun!". Yung talagang proud
mong sasabihin sa iba na ikaw ang gumawa niyan.
Nanghihinayang ako sa sarili ko. Sayang ang oras na dumaan na hindi ako
gumalaw. Ang tagal ko na sinasabi sa sarili kong "Gumising ka parey, wala
na sa direction ang buhay mo". Nakakalungkot. Nakakapanghinayang. Madami
kang alam pero ni isa sa alam mo di mo nagagamit.
Para ilarawan kung nasaan na ko, isipin mo ang isang puno. Nagsisimula sa
isang buto. Sa pagdaan ng panahon lumalaki, dumarami ang sanga at tumitibay.
Dahil yan sa araw, alaga at tubig. Kaso ako yung buto na tila inanod sa
buhangin. Maraming araw, maalat ang tubig at walang nag-aalaga. Hindi na ko
tumubo. Nag-aabang lang ng pagkakataon. Sana laro ito sa PS na pwede mo
pindutin ang reset at i-load ang nakaraan.
Mahapdi. Malungkot. Bangag. Lalo akong naging desperado ng malaman ko kung
paano ni-rate ang trabaho ko. Nakakapanlumo. Sampal talaga sa mukha ang
inabot ko. Hanggang ngayon, bakat pa rin sa mukha ko ang sampal na yon.
Hindi ata mawawala hanggang wala pa kong nagagawa.
Feeling ko nga nagkamali ata ako ng pinasukan eh. Pati prinsipyo ko nabago.
Isipin mo naman dati promoter ako ng Open Source development, ngayon puro
Windows app ang ginagamit ko. Naaalala ko pa noon, "Sa papasukan kong
kumpanya, i-promote ko ang paggamit ng Open Source" at "I’ll re-model
existing systems to utilize Open Source". Ngayo, parang kinain ko lahat ng
salita ko.
Di bale, malapit na akong lumaya. 6 na buwan na lang at sa wakas,
makakapili na ako uli. Sana naman tama na maging desisyon ko. Sana maitayo ko
uli ang prinsipyo ko. Sana malaya na uli ako… Sana maging tunay na uli
ang ngiti ko… Sana lang, sana…